Dear x,
Di na uso ang pamimilosopiya for the good life. Huling nauso yan nagkukurutan pa ng utong mga tao sa Academy at Lyceum sa Ancient Greece habang nagpapahiran sila ng olive oil. Di na rin uso pag-isipan kung dapat pa ba tayong mabuhay sa mundong wala raw pakialam satin. Maayos naman ata buhay mo. Baka sariling problema mo lang yan. Huwag mo na idamay pilosopiya dyan.
Huwag na rin tayo magkunwari na ang pilosopiya ang sasagot sa lahat ng tanong sa mundo. Kumporme lang din naman ang mga katanungan ng pilosopiya sa mundong kinagagalawan natin. At hindi lahat tayo eh pare-parehas ng pagkaka-intindi sa mundong to. May mga nakakapagpilosopiya dahil wala silang magawa. May mga kinakailangan mamilosopiya para mabuhay at lumaban. Hindi rin naman kaisipan ang nagiging kadahilanan ng pagkamatay ng tao. Kung ganon, eh dami na sanang pinagbabaril dyan. Pero hanggang isip lang naman kase sila.
Pero huwag din i-downplay ang kahalagahan ng pilosopiya. Nagsisimula lang magkaroon ng saysay yan sa oras na matuklasan mo kung ano at para saan ba talaga ito. Hayaan na kitang pag-isipan yan. Philosopher ka naman diba.
Di ko naman din sinasabing huwag niyo aralin yang sila Plato. Basahin niyo syempre, naniniwala pa rin akong natanong na ni Plato halos lahat. Huwag niyo nalang siguro gawing personality. Huwag dogmatist. Ang sakin lang, bunga na rin ng pagkaka-unawa ko sa kalagayan ng pilosopiya sa bansa na to, eh kung gusto mong maging philosopher talaga, eh papatayin ka ng mga ahente ng estado. Or pwede rin naman research-research ka lang tas turuan mo mga anak ng mayayaman sa mga de-aircon na silid. Mga philosopher pa rin naman yon. Kanya-kanyang raket lang yan. Nasa sa inyo rin yung desisyon.
Labas din kayo. Makipag-usap sa tao. Mahirap ang teorya, pero mas mahirap ang buhay. Paano pa kaya yung mga nasa laylayan, diba?